
Ang larawan sa nasa itaas ang dapat na ipapasa ko sa photo exhibit namin na ang tema ay social responsibility ngunit dahil sa mga rason na sa tingin ko ay katanggap tangap naman.
Mag aalas nuwebe na ng gabi ng napagpasyahan kong pumitik ng ilang mga larawan para sa nasabing okasyon kinabukasan. Naghahanap ako ng magandang senaryo, yung kapag tiningnan mo palang, alam na ng mga mata mo na malalim ang ibig sabihin at alam narin ng iyong puso kung ano ang salitang social responsibility.
Ang unang pinuntahan ko ay ang plaza ngunit lahat matatanda ang nakita ko, nagdedebate kung may Diyos ba talaga o wala. Gabi gabi nalang ganyan ang paksa, naisip ko, wala na yatang katapusan ang usapan. Sunod akong pumunta sa mga butika na madalas kong makitaan ng mga lata. Tambay tambay muna ako ng isang oras ngunit wala parin akong nakitang kamay na nag aabot ng kaunting barya.
Pitik pitik nalang ng kung ano ano. Mga aalas onse na ng gabi ng madaanan ko ang dalawang batang ito. Nasa tapat ng isang malaking bangko dito saamin. Walang kasamang magulang. Pagala gala. Ilang beses ko silang tinawag pero tila ba hindi kayang tanggapin ng kanilang mga tenga na sila ang tinatawag ko. Pitik ulit. agad akong bumili ng pagkain (at tissue paper at pati narin alcohol)..
Nakapgtataka kasi pagbalik ko doon, nandun parin ang dalawang bata at nakalatag narin ang tinuping kahon sa tabi. lumapit ako at umupo.
"hi" sabi ko na nahihiya
blanko ang titig (katulad ng karamihan sakanila).
"may pagkain ako dito. sainyo na oh"
wala parin silang imik.
"Malamig dito. tara! gusto niyo sa bahay muna? ako lang mag isa dun eh"
para akong nagtatanong sa aking sarili dahil ang isip ko rin ang nagbibigay ng sagot.
"Dun nalang kayo sa may silungan kasi kapag umulan dito, mababasa kayo. asan ba magulang niyo?"
Binuhat nila ang karton at sumunod saakin. hindi na ako ulit pumitik ng larawan dahil hindi narin kailangan. Bakit pa? Hindi naman ako tae na hahayaan nalang samantalahin ang kalagayan nila.
Umalis na ako magbabandang alas dose. Wala parin nagsasalita sakanilang dalawa. Kailangan ko nang umalis dahil naiilang yata sila.
Naglalakad na ako ng habulin ako ng isang bata. Inabot ang isang bulaklak na pinitas lang sa tabi.

"ANGEL KA ATE?" (angel ka ba ate?")
Oo nga pala, di pa pala ako nagpapakilala..
ako si Patola =)
Napag isip isip ko, wala talagang katuturan ang debate sa plaza. Isang misteryosong paksa na kahit bibliya at hindi magiging sapat na basehan. Isang paksa na lampas sa maaabot ng rason o paliwanag.
May Diyos nga ba talaga? Kailangan niya bang magpakita na lumiliyab o parang sticker sa pader na glow in the dark? Kailangan ba may mahaba siyang balbas at nakaputi? May magic ba talaga siya, kaya kang gawing palaka o kung ano man? Dapat ba lalake siya at dapat gwapo?
Sabi sa bibliya, Ginawa tayo ng Diyos sa kaniyang imahe at pagkakatulad.
Maaaring mahina ka, wala kang magic o super powers. Pero kaibigan, may sapat kang lakas at damdamin para makialam at makatulong sa iyong mumunting paraan.
Social Responsibility, ika nga.